Isyu ng confidential funds, naungkat ulit sa plenary debates sa Kamara para sa proposed budget ng Ombudsman

Muling sumentro sa usapin ng confidential funds ang ikalawang araw ng plenary debates sa Kamara kung saan isinalang ang proposed budget ng Office of the Ombudsman.

Sa interpellation ng mga miyembro ng Makabayan Bloc, inusisa nila ang pangangailangan ng Ombudsman na tumanggap ng confidential funds matapos itong tumaas sa 51.4 million pesos.

Iginiit ng sponsor na si Manila 6th District Representative Bienvenido Abante na isang investigative body ang Ombudsman at matagal nang nabibigyan ng confidential funds bago pa maupong pinuno si retired Associate Justice Samuel Martires.

Compliant aniya ang Ombudsman sa Commission on Audit at walang audit observations pagdating sa paggamit ng confidential funds.

Punto ni Abante, mismong siya na ang magsusulong na tanggalin ang confidential funds ng anti-graft body kung may pagdududa na madudungisan ang integridad nito.

Samantala, para sa Makabayan ay masyadong mababa ang output indicators ng anti-corruption programs ng Ombudsman kung saan ang case build-up ay naitala lang sa 21 percent.

Dahil dito, ipinanawagan ng opposition lawmakers ang pagsasagawa ng proactive approach sa paglaban sa katiwalian gayundin ang lifestyle check sa public officials.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *