Kagawad na sinaksak-patay sa Legazpi City, hindi umano agad na nirespondehan ng barangay officials ayon sa asawa nito; kapitan, itinanggi ang isyu

LEGAZPI CITY – Naglabas ng pahayag ang asawa ng barangay kagawad sa Sabang, Legazpi City na sinaksak-patay kagabi ng sarili nitong kabarangay.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Edna Vargas, sinabi niya na noong oras na nangyari ang pananaksak sakanyang asawa na si Noel Vargas, nagsisigaw siya at humihingi ng tulong subalit wala ni isang residente sa barangay ang pumansin o umagap sakanila.

Aniya, napakaraming mga kagawad sa covered court nang mga oras na iyon subalit hindi man lang sila natulungan.

Sinabi pa niya, kahit mismong ang kanilang barangay kapitan ay hindi sila pinansin noong humingi ng tulong upang magpatawag ng pulis, bagkus ay sumakay lamang umano ito sa kanyang kotse at umalis.

Lubha umanong masakit sakanyang damdamin na ilang taon na halos ibinigay ng kanyang asawa ang buhay nito sa pagsisilbi sa barangay, subalit ganito pa ang sinapit, kaya’t humihingi sila ngayon ng hustisya.

Sa kabilang banda, nagsalita rin ang barangay kapitan na si Ismael Santillan at itinanggi ang isyu na ito.

Sinabi ni Santillan, alam ng mga tao na anak ng kanyang tanod at isang eco-aide ang nagdala ng biktima sa ospital.

Samantala, nagkaroon na rin sila ng pagpupulong at pinag-usapan kung anong tulong ang maihahatid nila sa pamilya ng nasawing opisyal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *