Kamara, gagawing prayoridad ang legalisasyon ng motorcycle taxis

Inatasan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga kongresista na tutukan ang panukalang batas na layong gawing legal ang mga motorsiklo bilang public transport vehicles at ireporma ang kasalukuyang regulasyon ng transportation network vehicle service.

Ang hakbang ay direktang pagtalima sa adbokasiya ni Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng mas maraming alternatibo sa transportasyon ang publiko at sa suporta nito sa legalisasyon ng motorcycle taxis.

Sa Kamara ay mayroon nang inihain na House Bill 3412 sina 1-RIDER Party-list Representatives Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita para gawing legal ang motorcycle taxis at ayusin ang TNVS regulations.

Ayon kay Romualdez, mahalagang makasabay ang mga batas sa nagbabagong transportation landscape upang masiguro ang kapakanan at ginhawa ng taumbayan.

Panahon na aniya para kilalanin ang industriya ng motorcycle taxis lalo’t marami na ang nabigyan nito ng kabuhayan.

Punto ng House leader, matı tulungan ng legalisasyon ng motorcycle taxis hindi lamang ang commuters kundi pati na ang mga driver at maliliit na negosyante kaya malaki ang magiging kontribusyon nito sa pagbangon ng ekonomiya at pagbibigay ng oportunidad.

Bukod sa pagtugon sa legal barriers na pumipigil sa paggamit ng mga motorsiklo sa public transportation, nakikita rin umano ang panukala na sagot sa mabilis na development ng App-Driven Transport Network Companies at magpapaigting sa safety standards.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *