Kamara, makikialam na rin sa mga alegasyon laban sa Socorro Bayanihan Services Inc.

Inihain ni House Committee on Human Rights Chairperson at Manila 6th District Representative Bienvenido Abante ang House Resolution Number 1326 upang silipin ng mga kongresista ang mga posibleng paglabag ng SBSI sa karapatang-pantao ng kanilang mga miyembro.

Ipinaliwanag ni Abante na layunin ng imbestigasyon na matukoy ang pieces of legislation na titiyak sa dignidad at respeto sa karapatang pantao.

Una rito, nagsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat ang Senado ukol sa mga alegasyon laban sa SBSI.

Batay sa mga impormasyon, may mga aktibidad umano ang SBSI na pinamumunuan ni Jey Rence Quilario o “Senyor Agila” na tila gawain ng kulto at nakakaapekto na sa mga miyembro.

Kabilang na rito ang sinasabing paghihigpit ng “Kapihan Gatekeeper” sa mga ordinaryong miyembro kung saan pinahihintulutan lamang silang makalabas isang beses sa isang buwan at limitado hanggang bago mag-alas kwatro ng hapon.

Nabunyag din ang umano’y pwersahang pagpapakasal sa mga menor de edad at ang pagsupil sa karapatan ng kabataan sa edukasyon base sa ulat ng Schools Division Office ng Surigao.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *