Kamara, planong mag-realign ng bilyun-bilyong pisong confidential funds para sa Pag-asa Island

Pinag-aaralan ng Kamara ang pag-realign ng bilyun-bilyong pisong confidential funds mula sa panukalang pambansang budget upang ilaan sa pagpapatayo ng development projects sa Pag-asa Island.

Ginawa ni House Speaker Martin Romualdez ang pahayag matapos bisitahin ang lugar sa West Philippine Sea kasama ang ilang kongresista at opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ni Romualdez na tatlong bilyong piso ang target nila na hugutin para sa airport reclamation extension kasabay ng naval port at fishing sanctuary.

Bahagi aniya ng confidential funds ang panggagalingan ng pondo ngunit mas malaking halaga pa ang iniisip ng Kongreso para maisakatuparan ang mga proyekto.
Paliwanag ng House Speaker, posibleng ihabol sa bicameral conference committee ang mga prayoridad na tulong sa Pag-asa at Kalayaan Group of Islands gaya ng mas malapad na runway na susuporta sa planong port area.

Bukod dito, nais ni Romualdez na suportahan ang budget hindi lamang ng Defense Department at Department of Transportation kundi pati na Department of Tourism lalo’t maaaring ma-develop ang isla bilang “Maldives” ng Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *