Kapasidad ng mga COVID-19 referral hospitals sa Bicol nasa high risk na; DOH muling umapela sa mga LGU na akuin ang mga asymptomatic, mild at moderate cases

BICOL—Nasa high risk na ang kapasidad ng tatlong referral hospitals ng Department of Health (DOH) Bicol para sa COVID-19.

Ito ang nakasaad sa inilabas na pahayag ng ahensya kung saan hanggang nitong Hunyo 7 ay nasa high risk na ang utilization rate ng mga nasabing ospital partikular ang mga Intensive Care Unit (ICU) beds habang nasa 55.29% na rin ang utilization rate ng COVID-19 beds sa mga private at LGU owned hospitals.

Base sa COVID-19 health capacity dashboard, nasa full capacity na ang ICU beds ng Bicol Medical Center (BMC) at Bicol Region General Hospital and Geriatric Medical Center (BRGHGMC) sa Camarines Sur habang nasa 94.60% na rin ang utilization rate sa mga ICU beds ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Albay.

Kaugnay nito ay nanawagan muli ang ahensya sa mga Local Government Units (LGUs) na palakasin ang kanilang response measures laban sa COVID-19  kabilang ang paglalagay ng mas maraming isolation facilities.

Ayon sa DOH, tanging mga severe at critical cases na lamang ang tatanggapin sa tatlong DOH COVID-19 referral hospitals na ito habang ang mga asymptomatic, mild, at moderate cases ay ipinauubaya na nila sa mga LGU owned facilities.

Hinimok din ng ahensya ang mga LGU na mahigpit na ipatupad ang minimum public health standards sa kanilang mga nasasakupan upang ma-flatten ang curve ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Umapela rin ang DOH Bicol sa publiko na matamang sundin ang mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, pagsunod sa social distancing, paghuhugas ng kamay, pag-iwas sa mass gathering, pagsunod sa quarantine and isolation protocols, at maagang pagpapakonsulta.

Ayon sa ahensya, hindi maipapanalo ng gobyerno mag-isa ang laban sa COVID-19 kung wala ang kooperasyon ng komunidad dahil ito umano ay responsibilidad ng bawat isa.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *