Karton na may lamang dried fish na kinalkal ng aso, nabistong may marijuana na nagkakahalaga ng P2.1M

Narekober ng mga otoridad ang mahigit 2 milyong piso na halaga ng dried marijuana bricks na nakasilid sa dalawang karton na may lamang dried fish matapos kalkalin ng aso sa gilid ng national road sa bahagi ng Sitio Ngilin, Poblacion, Tinglayan, Kalinga.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PCol. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng PNP-Kalinga, nakita ito ng isang concerned citizen na dumaan sa lugar at bubugawin sana ang asong kumakalkal subalit nakitang may ibang laman ang karton kaya’t itinawag sa mga otoridad.

Agad namang nirespundehan ng kapulisan kung saan natuklasan ang bloke-blokeng dried marijuana bricks.

Aniya, possible umanong nahuli sa dating ang buyer o di kaya naman ay natakot dahil sa mga nagpapatrolyang mga alagad ng batas.

Wala naman aniyang nakakita na mga residente kung sino ang nang-iwan sa mga ito at maaring wala pang isang oras ang nakalipas bago ito matuklasan.

Sinabi pa ni PD Limmong na modus na ito ng mga nagbebenta ng iligal na droga kung saan walang personal na transaksyon ang nagaganap.

Nasa 19 na bricks na may timbang na 18 kilos ang mga narekober na marijuana.

Aniya, mayroon na rin umano silang mga narekober noon na bricks ng marijuana sa kaparehong modus.

Nagpaputuloy naman ang kanilang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan at maaresto ang mga suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *