Kaso laban sa COVID-19 vaccine slot for sale whistleblower, pinare-review ni Eleazar

Inutos ni Philippine National Police chief General Guillermo Eleazar ang pag-review sa mga kaso na isinampa ng pulisya laban kay Nina Ellaine Dizon-Cabrera na nagsiwalat sa modus na COVID-19 vaccine slot for sale.

Inatasan ni Eleazar ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na aralin ang mga kaso matapos niya personal na mabasa ang pahayag ni Cabrera sa social media account nito at mapanuod ang interview kung saan ay naglabas ito ng saloobin tungkol sa nasabing modus.

Sinabi ni Eleazar na pinasisilip niya sa CIDG at ACG kung nagkaroon ng lapses sa pagsasagawa ng imbestigasyon at sa preparasyon ng mga kaso.

Tiniyak ni Eleazar na patuloy niyang imo-monitor ang mga aksyon ng CIDG at ACG sa ilalim ng kanyang direktiba.

Kung maalala ay sinabi ni Cabrera na ikinagulat nito ang mga isinampang kaso ng PNP laban sa kanya kahit siya naman talaga ang nagsiwalat sa naturang scam.

Inihain ng CIDG ang mga reklamo laban kay Cabrera at sa dalawang iba pa ang mga kasong estafa, paglabag sa Republic Act 11032 o ang Anti-Red Tape Act at RA 10175 o ang Cybercrime Prevention ACt.

Isinama ng PNP si Cabrera sa charge sheet matapos lumabas sa imbestigasyon ng ACG na nag-alok rin siya umano ng 50-100 vaccination slots sa Mandaluyong.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *