Kaso ng pagpatay sa broadcaster na si Joey Llana, solved na; lider ng Conception gang, nag-utos umanong gawin ang krimen – NBI Bicol

LEGAZPI CITY – Solved na ang kaso ng pagpatay sa radio broadcaster sa Albay na si Joey Llana.

Ito ang kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Bicol Team Leader Atty. Felipe Jessie Jimenez sa isang press conference.

Maliban dito, kinumpirma rin ni Jimenez na ang Conception Criminal Group ang may gawa ng naturang krimen base sa mga dokumento at forensics ng PNP sa mga baril na ginamit.

Ayon kay Jimenez, ang lider ng grupo na si Gilbert Saysay Conception ang mismong nag-utos sa gunmen na patayin ang broadcaster.

Hanggang dito lang umano ang kanilang imbestigasyon at wala pa silang impormasyon sa kung sino o kung mayroong nag-utos kay Gilbert na gawin ang krimen.

Matatandaan, Hulyo 20 noong taon 2018 nang tambangan si Llana habang nagmamaneho ito ng sasakyan at paatras palamang ng garahe sa kanyang bahay sa Brgy. Peñafrancia, Daraga.

Ayon sa ilang kaanak nito, nangyari ang insidente nang papunta si Llana sa radio station na kanyang pinagtatrabahuhan sa Legazpi City upang magprograma.

Lumabas din sa imbestigasyon ng mga pulis na alas 4 ng madaling araw sinagawa ang pagpatay, kung saan nadiskubreng 14 na beses itong pintukan.

Napag-alaman din na ang broadcaster ay ilang beses nakatanggap ng death threats mula pa noong 2017.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *