Kawalan ng interes ng Senado sa Cha-Cha, ikinadismaya ng House Majority

Nanindigan si Speaker Martin Romualdez na walang direktang partisipasyon ang Kamara sa pangangalap ng pirma para sa isinusulong na People’s Initiative na bahagi ng proseso sa pag-amiyenda sa Saligang Batas.

Ayon kay Romualdez, iginagalang at sinusuportahan ng Mababang Kapulungan ang People’s Initiative bilang isang “independent” na proseso na nagmumula at pinangungunahan ng taumbayan.

Nananatili aniya ang kanilang commitment na tiyaking ang mga proposal ay pinoproseso alinsunod sa legal at constitutional guidelines at pinoprotektahan ang integridad ng Konstitusyon.

Iginiit din ni Romualdez na handa ang Kamara na magtaguyod ng transparent at accountable framework para suportahan ang People’s Initiative upang masiguro na sinasalamin nito ang kagustuhan ng mamamayan kaya anuman ang resulta ng proseso ay susuportahan at irerespeto nila.

Muli namang pinasinungalingan ni Romualdez ang mga alegasyon ng panunuhol at iba pang “unethical practices” para kumbinsihin ang mga tao na lumagda sa petisyon para sa People’s Initiative at ipinunto na nilalabag nito ang diwa ng tapat at boluntaryong partisipasyon na sumusira sa pundasyon ng demokrasya.

Samantala, sa isang hiwalay na statement ay dismayado naman si House Majority Leader Mannix Dalipe sa kinumpirma ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na maraming senador ang hindi na interesado sa Resolution of Both Houses Number 6 para mag-convene ang Constituent Assembly sa pag-amiyenda sa 1987 Constitution.

Sinabi ni Dalipe na nakalulungkot na nagpapaniwala ang ilang senador sa mga alegasyon na nagdidiin sa Kamara nang walang sapat na ebidensya.

Kung totoo ang pahayag ni Villanueva, mistulang napaniwala umano si Pangulong Bongbong Marcos ng maling impormasyon na suportado ng Senado ang constitutional economic reforms na unang inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *