Kawalan ng supply ng tubig, randam na sa isang barangay sa Daraga

LEGAZPI CITY – Ramdam na sa Brgy. Tabon-tabon, Daraga, Albay ang kawalan ng supply ng tubig kaugnay ng nagpapatuloy na El Niño phenomenon.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay alyas “Jojo”, isang magsasaka sa lugar, nagbibitak-bitak na ang lupang kanyang sinasaka at umaasa lamang sa tubig-ulan dahil sa hina ng supply ng tubig sa kanila.

Aniya, inaasahan na nila ang ganitong sitwasyon lalo na kung papasok na ang buwan ng Abril.

Sinabi pa nito na nasa 60% ang mga nasasayang na pananim tuwing sasapit ang panahon na ito.

Samantala, sinabi naman ng hindi na pinangalanang barangay kagawad sa hiwalay na panayam na hindi lang mga magsasaka ang apektado ng kawalan ng supply ng tubig, kundi pati na rin ang iba pang mga residente ng kanilang barangay.

Sinabi niya, pati ang ilang mga poso sa lugar ay wala nang inilalabas na tubig dahil sa init ng panahon.

Ayon pa sakanya, ang pinakanakakaranas ngayon ng nasabing problema ay ang Purok 4 at 7.

Subalit, taliwas naman ito sa pahayag ni Punong Barangay Ric Rodrigueza na sinabing wala silang problema pagdating sa tubig at nananatiling maayos ang supply nito.

Matatandaan naman, una nang sinabi ng PAGASA Southern Luzon na noong nakaraang taon pa nagsimula ang El Niño at ngayon ay nasa weakening stage ito. | Brigada Intern ROSE ANN MARIE EXCIJA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *