Kindness station tampok sa isang simbahan sa Camarines Norte sa pagdiriwang ng Corpus Christi Sunday

CAMARINES NORTE- Naglunsad ng isang community pantry o tinawag na kindness station ang Parish of St. Raphael the Archangel sa bayan ng Basud, Camarines Norte sa pagdiriwang ng Corpus Christi Sunday.

Para sa mga katoliko, isang tradisyon ang paghahandog o pagdadala ng alay sa simbahan kapag sumasapit ang kapistahang ito kung saan inihahandog nila sa altar ang ani o bunga ng kanilang pinagpaguran.

Ang pinagsama- samang paghahandog ng mga parishioners ay inipon at siyang inilagay sa Kindness station na inorganisa ng parokya upang ipamahagi lalo na sa lubhang nangangailangan.

Tampok sa Kindness station ang iba’t- ibang uri ng gulay at prutas, grocery items at iba pa.

Matatandaang nag umpisa ang Community Pantry sa isang lugar sa Quezon City ilang buwan na ang nakakalipas nang muling isailalim sa mahigpit na quarantine restrictions ang “NCR Plus” bubble dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID- 19.

Mula noon ay lumaganap na ito sa iba’t- ibang panig ng bansa at marami nang grupo at organisasyon ang nagsasagawa nito.

Ang konsepto ng Community Pantry ay naglalayong makasuporta kahit na kaunti sa mga nangangailangan lalo na ang mga lubhang naapektuhan ng pandemya.

Sa pagsasagawa ng aktibidad ay mahigpit na ipinatupad ang mga health protocols sa tulong na rin ng mga kapulisan at barangay tanod sa lugar.

(PHOTO COURTESY: Parokya ni San Rafael)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *