Klase sa dalawang bayan sa Masbate, balik na sa F2F; klase sa apat na bayan, modular pa rin

Balik na sa ‘face-to-face classes’ ang lahat ng eskwelahan sa bayan ng Cataingan at 40 paaralan sa bayan ng Placer, Masbate.

Samantala, hanggang kahapon, Marso 27, ay suspendido pa rin ang F2F classes sa bayan ng Cawayan, Dimasalang, Esperanza,  Pio V Corpuz at dalawang paaralan na lang sa bayan ng Placer.

Sa pahayag sa Brigada News, sa pamamagitan ng messenger; ng tagapagsalita ng DepEd Bicol na si Mayflor Jumamil, sinabi nito na aabot sa 72 paaralan sa limang bayan ng Masbate ang naapektuhan ng sunod-sunod na armed conflict sa pagitan ng Army at NPA sa nasabing lalawigan, katumbas ito ng 17, 308 estudyante at 1,282 na guro.

Ang sunod-sunod na karahasan na ginawa ng rebeldeng grupong NPA ay nagsimula noong Marso 20 sa Villahermosa, Cawayan na katabi lang ng isang eskwelahan; sinundan ito noong Marso 22 sa Locso-an, Placer kung saan ang angkwentro ay nangyrai 200 metro lang ng layo sa Locso-an ES at Arriesgado-Sevellino NHS na sinabayan pa ng pagpasabog at ambush sa mga alagad ng batas sa Gaid, Dimasalang.

Nagkaroon ulit ng pagpapasabog, gabi noong Marso 24 sa bayan ng Placer na kalahating kilometro lang ang layo sa Manlot-od ES.

Wala namang naiulat na kaswalti sa mga estudyante maging sa mga guro at school personnel.

Dagdag pa ni Jumamil na pinag-utos mismo ni DepEd Regional Director Gilbert Sadsad sa mga paaralang apektado na suspendihin ang mga klase at balik muna sa self-learning modules o SLM.

Inatasan din  nito ang DepEd Masbate na magsagawa ng debriefing o psychological first aid intervention para sa mag-aaral na apektado upang matugunan ang kanilang takot na resulta ng mga engkwentro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *