Kongresista, aalamin kung maaari nang bawiin ang deployment ban sa OFWs

Kinumpirma ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson at KABAYAN Party-list Representative Ron Salo na magtutungo siya sa Kuwait pagkatapos ng Ramadan upang suriin kung napapanahon nang bawiin ang deployment ban sa OFWs.

Ayon kay Salo, plano niyang bumisita sa April 20 hanggang 23 matapos bumuhos ang tanong ng mga OFWs hinggil sa deployment ban.

Layon aniya nito na i-assess ang kasalukuyang kondisyon ng mga Pilipino at tumulong sa bilateral discussions sa pagitan ng dalawang bansa.

Hinimok din ng kongresista ang mga OFW na samantalahin ang pagkakataon na i-avail ang visa amnesty program.

Sa ilalim nito, mula March 17 hanggang June 17 ay binibigyan ng lifeline ang mga may expired na visa upang itama ang kanilang status o bumalik sa pinanggalingang bansa nang walang parusa.

Ang mga may expired na visa ay may option na gawing legal ang residency sa pamamagitan ng pagbabayad ng multa o di kaya’y lisanin ang Kuwait nang walang penalty.

Punto ni Salo, kapuri-puri ang hakbang ng Kuwait Ministry of Interior dahil tutugunan nito ang isyung kinahaharap ng mga OFWs at mare-regularize na ang kanilang residency status o ligtas na makauuwi sa Pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *