Kongresista, i-validate na ang mga nakalap na pirma sa People’s Initiative

Hinimok ni Albay Second District Representative Joey Salceda ang Commission on Elections na i-validate na ang mga nakalap na pirma para sa People’s Initiative na magsusulong ng pag-amiyenda sa 1987 Constitution.

Ayon kay Salceda, mahalagang hakbang ang validation upang tiyakin ang legalidad at kredibilidad ng People’s Initiative.

Sa kabila ng pagtutol ng Senado ay wala na aniyang bawian at dapat nang gawin ng poll body ang pag-validate dahil naaayon ito sa Konstitusyon.

Binigyang-diin din ni Salceda na ang People’s Initiative ang nalalabing paraan upang amiyendahan ang Saligang Batas lalo’t sa mga nakalipas na panahon ay “dead-on-arrival” lang ang usapin at isinasantabi ng Senado ang Constituent Assembly at Constitutional Convention.

Paliwanag pa ng kongresista, tatlongdaan at limampu’t walong panukala na ang naihain na may kaugnayan sa Cha-Cha simula noong 1987 ngunit walang umusad maliban sa 12th Congress kung saan naipasok sa plenaryo para sa sponsorship.

Kapag hindi naisakatuparan ang pagbabago sa economic provisions ay lubhang mapag-iiwanan na umano ang Pilipinas ng mga bansa gaya ng Cambodia sa susunod na sampung taon.

Upang magtagumpay ang People’s Initiative sa pagpapatawag ng Constituent Assembly ay kinakailangang makakolekta ng lagda na hindi bababa sa tatlong porsyento ng mga rehistradong botante sa bawat legislative district.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *