Kongresista, pinagpapaliwanag ang Singapore matapos “solohin” si Taylor Swift

Hiniling ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Representative Joey Salceda sa Department of Foreign Affairs na pagpaliwanagin ang Singaporean Embassy matapos na mistulang “solohin” ang international pop star na si Taylor Swift.

Ayon kay Salceda, dapat magpadala ng note verbale ang DFA sa embahada upang ipaliwanag ang ulat na binigyan ng “exclusivity terms” ng Singapore Tourism Board at Ministry of Culture, Community and Youth ang production company na AEG Presents na siyang nangangasiwa sa concert ni Taylor Swift.

Hindi aniya magandang gawain ng kapitbahay na bansa kung ipagkakait sa ibang Southeast Asian countries ang pagtatanghal ng multi-awarded artist.

Batay sa impormasyon, 2 to 3 million US Dollars umano ang grants ng Singapore government sa AEG upang i-host ang konsyerto ngunit kailangan ay walang ibang bansa sa rehiyon na makakakuha kay Swift.

Punto ni Salceda, isinapubliko ni Thailand Prime Minister Srettha Thavisin ang alegasyon kung saan inialok ang grant kapalit ng kondisyon na wala nang ibang stops sa Southeast Asian leg ng tour ni Swift.

Pagbubunyag pa ng kongresista, nakatulong ang polisiya sa Singapore dahil tumaas ang regional demand sa hotels at airlines ng 30 percent sa panahon ng concert ng pop star at sa pagtaya niya ay nagdulot ang exclusivity term ng pagtaas sa industry revenues ng 60 million US Dollars.

Masakit umano na ginawa ito ng Singapore na mabuting kaibigan ng Pilipinas kaya hindi dapat palampasin ang hakbang lalo’t hindi makaengganyo ng concert goers ang ibang mga bansa at kailangan pang dumayo ng mga manonood.

Giit ni Salceda, isa itong halimbawa na kailangan nang talakayin sa ASEAN Trade in Services Agreement dahil kailangang baguhin ang diskarte ng mga ahensya tulad ng Tourism Promotions Board.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *