Konstruksyon ng 2 bagong RHUs sa Legazpi City, nagpapatuloy

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Legazpi City Health Office (CHO) na patuloy sa ngayon ang konstruksyon ng dalawang bagong rural health unit (RHU) sa nasabing lungsod.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay City Health Officer Dr. Fulbert Alec Gillego, sinabi niya na ang RHU 2 na matatagpuan sa Brgy. Rawis ay halos patapos na.

Pagsisilbihan umano nito ang northern barangays ng lungsod, habang on-going na rin ang para sa RHU 3 na magsisilbi para sa southern barangays.

Ayon kay Gillego, kung matatapos na ang konstruksyon ng dalawang bagong RHU, magiging apat na ang primary health care facility ng lokal na pamahalaan bilang dagdag sa City Health Office at Legazpi City Hospital.

Binigyang-diin ni Gillego na kanila itong ipapa-certify sa Department of Health na kumpleto sa gamit, pondo, mga gamot at tauhan.

Dagdag pa niya, lalagyan din ng laboratories at pharmacy ang nasabing RHUs kaya’t umaasa sila na marami ang mabibigyan ng mga serbisyo oras na matapos na ang konstruksyon.

Subalit, nilinaw ni Gillego, kahit pa libre ang ilang mga serbisyo at gamot sa RHUs na ito at every quarter silang bibili ng mga gamot, ikinalulungkot nilang sabihin na hindi makokompleto ang mga gamot na kailangan ng mga komunidad sa lungsod.

Samantala, pagdating naman sa paglalagay ng mga tauhan, aminado rin si Gillego na lahat naman ng RHUs ay nagkukulang pagdating sa medical personnels.

Kaya, ang kanilang naging plano para sa dalawang bagong RHUs ay rotation na schedule para sa northern at southern barangays.

Habang pagdating naman sa mga pharmacists, pansamantala muna silang magha-hire kahit mga contractual.

Sa ngayon, aniya, naghihintay pa ang lokal na gobyerno para sa ibababang national fund.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *