La Niña at El Niño phenomenon, hindi magkakasabay – PAGASA Southern Luzon

LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Southern Luzon Regional Services Division na hindi naman magkakasabay ang La Niña at ang El Niño phenomenon sa bansa.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Weather Forecaster Ariel Zamudio, sinabi nito na batay sa pinakahuling outlook, nagsimula nang humina ang El Niño at inaasahang sa buwan ng April, May at June ay maging ENSO-neutral condition na ang nasabing phenomenon.

Dahil dito, inaasahan din aniya na ang La Niña ay posibleng ma-develop sa mga buwan ng June, July at August batay sa mga climate models kaya hindi naman sila magkakasabay.

Subalit binigyang-diin ni Zamudio, ang tiyansa sa ngayon na magkaroon ng La Niña sa nabanggit na mga buwan ay nasa halos 55%.

Samantala, noong nakalipas naman na mga araw ay nakaranas ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Bicol Region dala ng hanging ‘amihan’ subalit humina umano ito ngayon, at easterlies ang kasalukuyang nakakaapekto sa rehiyon.

Ayon pa kay Zamudio, posibleng bumalik bukas, araw ng Miyerkules, ang ‘amihan’ at inaasahang muli itong magdala ng mga isolated light rains.

Pagdiin pa nito, hindi naman nangangahulugan na hindi makakaranas ng mga pag-ulan kapag nasa El Niño stage, bagkus, ibig sabihin nito ay mayroon lamang na reduction sa rainfall.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *