Lalaki, binaril ang nakalaro sa tongits sa Rosario, Batangas

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kanyang kanang braso ang biktima matapos itong barilin ng suspek na nakainitan nito dahil sa paglalaro ng tongits.

Kinilala ng Rosario Municipal Police Station ang suspek na si Ginbeer Lim Fortus,  34 anyos at residente ng Brgy. Balibago, Rosario, Batangas.

Ayon sa naging pahayag ni PCpl. Christian Mark Comple ng nasabing himpilan sa Brigada News Fm, alas-5:45 ng hapon ng Hunyo 13 ng barilin ng suspek ang biktima na si Mario Montalbo, 47 anyos at residente naman ng Sitio Mangahan ng nasabing barangay, habang pasakay ito ng kanyang dinadalang tricycle.

Samantala, bago ang pangyayaring ito inilahad ng suspek na nagkaroon muna sila ng hindi pagkakaunawaan ng biktima bandang alas-3:30 ng hapon ng kaparehong araw.

Dumating umano ang biktima sa lugar kung saan sila naglalaro ng tongits para sumali.

Subalit, dahil sa sinabi ng suspek ay kaagad itong nasuntok ng biktima na tumama sa nguso nito.

Bandang hapon naman ng pinuntahan ng suspek ang biktima para sabihing humingi ito ng pasensya sa kanya subalit hindi nito ginawa, dahilan para mabaril nito ang biktima.

Sa ngayon ay nasa kostudiya na ng nasabing himpilan ang suspek habang nagpapagaling naman ang biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *