Lalaki na umano’y napahigpit ang yakap sa kainuman, sinaksak

Sugatan ang isang lalaki sa saksak ng kanyang kainuman sa isang Birthday Party sa Sitio Tabud Barangay Saraza Brooke’s Point, Palawan.

Nakilala ang biktima na si Ariel Montoya David 45 anyos binata habang ang suspek ay si Norlito Benga 41 anyos.

Sa imbestigasyon ng Brookes Point PNP, parehong nasa selebrasyon ang dalawa kagabi kung saan nagkaroon ng sayawan at kantahan na inabot ng madaling araw kanina.

Kalauna’y lumabas ang biktima para umihi at pagkatapos ay inundayan siya ng saksak ng suspek sa dibdib gamit ang isang kutsilyo.

Matapos ang krimen ay tumakas si Norlito subalit nahuli na ito sa follow up operation ng pulisya ngayong Huwebes pero hindi narekober ang patalim.

Nang tanungin ang suspek sa motibo ng pananaksak ay inihayag umano nito sa pulisya na hindi niya nagustuhan ang mahigpit umanong yakap ni Ariel habang sila’y sumasayaw sa inuman.

Samantala, nasa maayos na kalagayan na ang biktima habang nasa Leoncio General Hospital sa Brookes Point.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *