Lalaking nagpakita diumano ng ari habang nasa jeep, naisumbong na sa PNP

LEGAZPI CITY—Kitang kita ng isang babaeng pasahero ng jeep ang ginagawang kabastusan ng nakasakay nitong lalaki matapos umano nitong ipakita ang maselang bahagi ng katawan habang nakaupo sa jeep.

Ayon kay Joy, hindi totoong pangalan, papauwi na sana siya sa kanilang bahay sakay ng jeepney galing Tahao Road patungo sa bayan ng Daraga nang mapansin nito na tila umano sinasadyang ipakita ng lalaki ang ari nito habang ito ay nagkukunwaring nakayuko.

Aniya, bilang ebidensya ay patago niyang kinuhanan ng litrato ang lalaki upang maisapubliko ang ginagawang kalaswaan nito sa isang pampublikong sasakyan.

Hindi na nagawang magreklamo ng biktima sa pulisya dahil sa takot.

Paalala nito sa iba pang mga pasahero, maging maingat sa mga ganitong tao dahil malaki ang epekto nito sa mental health ng mga kababaihan.

Aminado rin ito na nakaramdam siya ng takot dahil hindi niya akalain na may makakagawa nito habang nasa mataong lugar at hindi niya rin alam kung ano ang motibo nito habang nasa loob pa mismo ng pampublikong transportasyon.

Samantala, matapos ito ay isa pang biktima ng nasabing lalaki ang lumantad na rin.

Nangyari naman umano ito habang sakay siya ng jeep na byaheng Daraga-Arimbay.

Nakabukaka umano ang lalaki at nagkunwaring tulog. Pero nang mapansin nitong nakakahalata na ang biktima ay agad umano itong pumara at bumaba sa may Estevez hospital.

Aminado ang dalawa na natrauma siya sa insidente at hindi niya malaman ang kanyang gagawin.

Naisumbong na nito sa PNP ang insidente at planong hikayatin din ang iba pang mga naging biktima na gumawa ng hakbang.#

with Reports from BNFM Legazpi ||

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *