Large-scale mining operations, pinasususpinde kasunod ng trahedya sa Davao De Oro

Umapela si Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas sa administrasyong Marcos na suspendihin muna ang operasyon ng lahat ng large-scale mining sa bansa.

Ito’y matapos ang nangyaring landslide sa Davao De Oro na ikinasawi ng higit siyamnapung indibidwal kabilang ang ilang manggagawa ng Apex Mining.

Sinabi ni Brosas na kung hindi man total ban, makabubuting suspendihin ang large-scale mining operations lalo’t inaasahan ang “monsoon season” at kailangan nang maiwasan ang landslides na kahalintulad ng naganap sa Davao De Oro.

Ayon kay Brosas, naghain na rin silang Makabayan solons ng resolusyon para paimbestigahan sa Kamara ang Davao de Oro landslide.

Marami aniyang environmental advocates ang kontra sa large-scale at open pit mining operations dahil sa dala nitong pinsala sa mga komunidad.

Paliwanag ng kongresista, ang trahedya sa Davao De Oro ay isang halimbawa kung gaano kalala ang epekto ng pagmimina sa mga komunidad at may mga buhay pang nawala.

Punto pa ni Brosas, malalaking negosyante lamang umano ang kumikita sa pagmimina habang ang mamamayan at kalikasan ang pumapasan sa negatibong epekto nito.

Sinisi naman nito ang Executive Order Number 130 na nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nag-lift sa siyam na taong ban sa bagong mining agreements kaya dumami ang mining activities.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *