Lasing, huli matapos na pagsasaksakin-patay ang aso

Naaresto agad ang isang 34-anyos na mangingisda makaraang pagsasaksakin nito ang isang aso na nakatali sa loob ng garahe sa isang bahay sa bayan ng Magallanes, Sorsogon.

Sa panayam ng Brigada News sa Magallanes MPS, sinabi nito na ang suspek na si Ryan Duran Mendizabal, residente ng Brgy Bacolod ng nasabing bayan ay lasing nang kanilang nahuli.

Ayon umano sa suspek, nagsimula ang galit niya sa mga aso nang

kainin ng asong gala ang kanyang pagkain.

Kung kaya’t madaling araw noong Martes, nang makita niya umano ang asong nakatali sa loob ng garahe ay kanya itong pinagsasaksak.

Ayon pa sa imbestigador, mahal na mahal umano ng may-ari ang nasabing aso kung kaya’t agad na sinampahan nito ng kaukulang kaso ang suspek.

Nahaharap na ngayon si Mendizabal sa kasong paglabag sa RA 8485 o ang Animal Welfare Act of 2002. Narekober din sa posesyon nito ang kutsilyo na ginamit  sa pananaksak sa aso.

Ang Animal Welfare Act ay kumikilala ng kalupitan sa mga hayop bilang paglabag sa batas.

Sa nasabing batas, ipinagbabawal ang pagmaltrato at pag-torture sa mga hayop. Sa bahaging ito ng batas, nakasaad na hindi maaaring pumatay ng hayop, maliban sa mga hayop na kinakain tulad ng baka, baboy, kambing, tupa, manok at iba pang poultry, kuneho, kalabaw, kabayo, usa at buwaya.

Paglabag sa batas ang pagpatay sa mga hayop na hindi nabanggit liban na lamang kung ito ay dahil sa ritwal ng isang relihiyon, malubhang sakit ng hayop at animal control kung saan nasa binggit ng panganib ang hayop o mga taong malapit dito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *