LGU ibabalik ang moving message sa Mercedes fish port upang magsilbing babala sa mga mangingisda lalo na kapag mayroong sama ng panahon

CAMARINES NORTE- Plano ngayon ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Mercedes, Camarines Norte na ibalik ang “moving message” sa Mercedes Fish port upang magsilbing babala sa mga mangingisda lalo na kapag mayroong sama ng panahon.

Ayon kay Mayor Alexander Pajarillo nakatala na umano dito ang ilang araw na magiging lagay ng panahon o weather outlook.

Ang mga papalaot ay maaari munang tumingin dito upang magkaraoon ng ideya kung masama ang panahon o hindi.

Ideal umanong lugar ang pandawan dahil accessible ito sa publiko.

Aniya dati nang mayroong ganito sa pandawan kung saan ang nagbibigay ng impormasyon ay ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Bukod sa moving message maglalagay din ng tao ang LGU upang mayroong mapagtanungan lalo na ang mga mangingisda.

Ang hakbang na ito ng LGU ay upang maiwasan ang mga maritime incident.

Kamakailan lang ay limang mangingisda mula sa naturang bayan ang pumalaot pero hindi na nakauwi ang mga ito sa kanilang pamilya hanggang sa kasalukuyan.

Samantala, opisyal nang inanunsiyo ng Pagasa nitong Miyerkules, ang pagtatapos ng panahon ng habagat o southwest monsoon.

Sa pagtatapos ng habagat season ay siya namang pagsisimula ng amihan kung kailan madalas na ang mga bagyo ay tumatama sa Bicol.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *