Libreng checkup sa mata at pagpapasalamin, malapit ng matamasa ng mga Sorsoganon sa ilalim ng Comprehensive Eyecare Program

Magkaroon ng sariling optical clinic at duty ophthalmologist gayundin ng optometrist sa loob ng Sorsogon Provincial Hospital.

Ito ang isa sa mga layunin ng Comprehensive Eyecare Program ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon sa ilalim ng Provincial Ordinance No. 17-2023.

Sa panayam ng Brigada News kay Committee on Health, Demography, Senior Citizens, and PWD Chairman Roland Añonuevo, sinabi nitong sa tulong ng Fred Hallows Foundation at mga kapartner nito gaya ng United Nations ay magkakaroon ng mga kinakailangang medical equipment sa ilalagay na klinika sa SPH maliban pa sa technical support naibibigay nito para sa operasyon.

Ang provincial LGU naman ang maglalagay ng mga ophthalmologist kung saan sa ngayon aniya ay nagkakaroon na ng koordinasyon upang ang mga private practitioners ay mahikayat na magsilbi sa gobyerno habang ipinagpapatuloy ang private practice ng kanilang propesyon.

Maliban sa ophthalmologist, magkakaroon din ng duty optometrist sa ilalagay na optical clinic upang makapagbigay naman ng libreng salamin sa mga magpapakonsulta.  

Layunin nito na maserbisyuhan ang mga ikinokonsiderang poorest of the poor na walang kakayanang makapag- avail ng serbisyo sa mga pribadong optical clinic.

Ayon pa kay Añonuevo, kung pagbabatayan ang datus, halos 2% ng mga mamamayan sa bansa ay may diperensya sa mata kung saan karamihan sa mga ito ay natukoy sa mga eskwelahan o mga estudyante.  

Ito ang magiging unang pagkakataon na ang eye care program ay libreng ibibigay ng government facility at ang probinsya ng Sorsogon ang gagawing pioneer ng Fred Hallows Foundation sa buong Bicol region. Sa ngayon ay nasa proseso na ang budget appropriation para sa nasabing programa kung saan P15M ang inisyal na ponding ilalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *