Limang priority groups, mababakunahan sa susunod na 2 buwan – DOH

Umaasa ang Department of Health na matatapos nito ang COVID-19 immunization para sa mga indibidwal na nasa ilalim ng limang Priority Groups Category A sa susunod na dalawang buwan.

Sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, kasalukuyan nang binabakunahan ang mga indibidwal na nasa ilalim ng A3 at pagkatapos nito ay isusunod na kaagad ang A4 at A5.

Mababatid na kabilang sa Category A ang mga frontline health workers na kinukunsidera bilang A1; mga senior citizens (A2); persons with comorbidities (A3); frontline essential workers (A4) at indigent population (A5).

Ipinunto ni Cabotaje na target ng gobyerno na mabakunahan ang 70-million na Pilipino sa buong bansa pagdating ng Nobyembre o Disyembre kung magkakaroon lang ng sapat na suplay ng bakuna.

Pero sinabi ni Cabotaje na kulang pa ang mga suplay ng bakuna sa bansa lalo na at dalawang doses ang kinakailangan maiturok sa isang pasyente maliban na lang kung Janssen vaccine ang gagamitin.

Nag-iingat naman ang DOH sa paggamit sa lahat ng mga available na bakuna para sa first dose, dahil sa posibleng delay ng pagdating ng susunod na batch ng mga ito.

Sa ngayon, ang ginagamit sa bansa para sa first dose ay ang Sinovac vaccine, habang ang susunod naman na delivery nito ay ilalaan para sa second dose.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *