LTO Bicol, nagsalita na sa isyung pag-ticket at pagsuspinde sa isang motorista ng 1 taon para sa 1st offense sa expired license violation

LEGAZPI CITY – Nagsalita na ang Land Transportation Office (LTO) Bicol ukol sa isyu ng umano’y pagti-ticket ng LTO Legazpi sa isang motorista habang nagsasagawa ng checkpoint at pagpapadala ng abiso via e-mail na suspendido siyang magmaneho ng motor sa loob ng isang taon dahil sa first offense ng violation na ‘driving with an expired license’.

Nagpadala ng complaint ang 24 anyos na motorista sa Brigada News FM Legazpi tungkol sa isyu at binigyang-diin niya na first offense lamang iyon subalit pinagmulta siya ng PHP4,000 at nakatanggap pa ng e-mail ukol sa suspension.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay LTO Bicol Regional Director Francisco Ranches, Jr., sinabi nito na nasa batas ito at dagdag pa na alinsunod ito sa Joint Administrative Order.

Subalit, sa isang memorandum ng LTO na nilabas noong September 6, 2023, nakalagay na ang mga driver’s at conductor’s license na may expiration within April 3, 2023 hanggang April 1, 2024 ay valid hanggang April 2, 2024 o hangga’t magkaroon na ng plastic card.

Nakalagay din na walang kokolektahing penalty o multa para sa nasabing mga lisensya.

Ito umano ang naging basehan ng motorista sapagkat noong October 2023 nag-expire ang kanyang lisensya.

Sinabi naman ni Ranches, ang natanggap niyang e-mail ay system generated at kung mayroon siyang concern, maaari siyang umapela o magpadala ng sulat sa ahensya dahil karapatan niya ito.

Tiniyak naman ni Ranches, na ica-call out nila ang atensyon ng LTO Legazpi ukol sa isyung ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *