Lumang electrical wiring problema pa rin sa mga public school ayon sa BFP, pagkakaroon ng fire extinguisher sa bawat classroom inirekomenda

CAMARINES NORTE – Inihayag ng Bureau of Fire Protection na problema pa rin ngayon ng karamihan sa mga public school ay ang mga lumang electrical wiring na posibleng maging sanhi ng sunog.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni SFO3 Ronaldo Paño, OIC- Municipal Fire Marshall ng Basud Fire Station na bukod sa lumang electrical wiring ay problema rin ang sala- salabat na linya ng kuryente.

Aniya, hindi ito ligtas para sa mga guro, estudyante at maging mga magulang kaya kailangang matugunan ang problema.

Ang kakapusan umano sa pondo ang karaniwang dahilan kung bakit kulang din ang mga fire extinguisher.

Ito umano ang dahilan kung bakit nakikisa ang BFP sa ginagawang Brigada Eskwela para matingnan na rin ang safety ng mga eskwelahan sa sunog bilang paghahanda na rin sa pagbubukas ng klase sa mga public schools sa August 29.

Kahapon ay nagtungo ang BFP sa Basud Central School kung saan nagkaroon ng lecture patungkol sa fire safety tips sa mga magulang at guro.

Inirekomenda naman ni Paño na magkaroon ng fire extinguisher ang bawat classroom na magagamit sakaling magkaroon ng maliit na sunog.

Bagamat nauunawaan umano ng BFP ang kakulangan sa pondo pero iginiit nito na importante ang kaligtasan ng lahat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *