Mag-asawang miyembro umano ng NPA patay matapos makipagbarilan sa mga pulis

CAPALONGA, CAMARINES NORTE- Patay ang mag asawang miyembro umano ng New People’s Army (NPA) makaraang makipagpalitan ng putok sa mga pulis Linggo ng madaling araw sa Brgy. San Antonio Capalonga, Camarines Norte.

Sa ulat ni  PCPT John Lawrence Sabong, hepe ng Capalonga Municipal Police Station, magsisilbi lang sana ng Search warrant ang mga pulis  sa kasong illegal possession of firearms laban sa isang nagngangalang Noeme Marca 51.

Maliban sa pagiging miyembro ng rebeldeng grupo ni Marca ay napag alamang SPL Secretary din umano ang asawa nitong si Lourdes ng San Antonio base sa ilalim ng pamumuno ng isang “Ka Ding” na Acting Commander naman ng rebeldeng grupo sa lugar.

Ayon sa pulisya, papalapit pa lamang ang mga operatiba na magsisilbi ng search warrant kasama ang mga opisyal ng barangay nang paputukan umano ito ng hindi mabatid na bilang ng armadong grupo mula sa bahay ng mag asawa kaya’t napilitan ang una na gumanti ng putok.

Tumagal ng labing limang minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.

Isinugod pa sa ospital ang mag asawa pero idineklarang dead on arrival ng doktor.

Nakatakas naman ang mga kasama nito patungo sa iba’t- ibang direksyon na ngayon ay subject ng hot pursuit operations.

Narekober umano sa bahay ng mag asawa ang mga baril at bala, improvised explosive device, detonating fuse at cord.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *