Magsasaka, patay matapos maaksidente at matusok ang katawan ng handle bar ng minamanehong kuliglig sa Isabela

Patay ang isang magsasaka matapos maaksidente at matusok ang kaniyang katawan ng handle ng minamanehong hand tractor o kuliglig sa San Manuel, Naguilian, Isabela.

Kinilala ang nasawi at operator ng kuliglig na si Ediemar Agcaoili, 41 anyos at residente ng Brgy. Dolores Quirino Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, ang hepe ng Naguilian Police Station, galing umano sa Quirino, Isabela si Agcaoili kasama ang pamilya nito lulan ang isang kuliglig at nakatakdang pumunta sa lunsod ng Cauayan.

Nang makarating sila sa pinangyarihan ng insidente ay natanggal umano ang gulong ng kanilang sinasakyang kuliglig dahilan upang mawalan ng kontrol ang operator na si Agcaoili hanggang sa nabangga sa isang poste ng kuryente.

Dagdag pa ni PMaj. Villanueva, pababa umano ang naturang lansangan kaya’t malakas ang impact ng naturang aksidente kung saan natusok ng handlebar ang katawan ni Agcoaili na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Habang mapalad naman na nakaligtas ang asawa nito at dalawang anak.

Muli namang nagpapaala ang hepe na siguraduhing nakakondisyon ang mga minamanehong sasakyan upang makaiwas sa aksidente sa daan dahil Ito na umano ang ika-15 na vehicular accident sa bayan ng Naguilian ngayong taon.

Photo: PNP Naguilian

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *