Maguindanao massacre, nananatiling sariwa para sa pamilya ng mga biktima; damages, hiling na maibigay na!

KORONADAL CITY — NANANATILING sariwa para sa mga anak ng mga biktima ng Maguindanao massacre ang nangyaring karumal-dumal na krimen sa Sitio Masalay, Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

Kasabay ng ika-12 anibersaryo ng krimen ngayong araw, sinabi ni Ritch Teodoro, anak ni Andy Teodoro, isa 37 journalist na namatay sa nasabing krimen, itinututing nitong partial justice ang kanilang nakukuha matapos ang promulgation ng kaso noong Disyembre 2019.

Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal, kinumperma nitong may second wave ng kaso na isinampa laban sa iba pang mga akusado na kasama sa nagplano at nagsagawa krimen. May mga suspek din umano sa nasabing masaker na hanggang sa ngayon, hindi pa rin nahuhuli.

Nilinaw din ni Teodoro na hanggang sa ngayon wala ni-isa sa mga pamilya ng mga biktima ang nakatanggap ng damages o bayad mula sa mga akusado ayon na rin sa kautusan ng korte.

Dahil dito, nananagawan si Teodoro sa gobyerno na tulungan silang makuha ang damages na nararapat sa kanila lalo na’t karamihan umano sa mga anak ng mga biktima ay nasa kolehiyo na sa ngayon.

Para naman kay Jhanchiene Maravilla, anak ng biktimang si Bart Maravilla ng Bombo Radyo, ‘di pa rin umano sila nakaka-move on, lalo na’t marami pa ang hindi nahuhuli at may nakalabas pa sa mga akusado.

May apela din umano sa korte ang Pamilya Ampatuan na mga pangunahing akusado na sa krimen kung saan ipinababasura ng mga ito ang pagbabayad ng damages sa mga pamilya ng biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *