Mahigit ₱523k halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa 2 lalaki sa Lucena City

Arestado ang dalawang (2) lalaki matapos ang ikinasang drug buy-bust operation ng pinagsama-samang pwersa ng mga awtoridad sa Barangay Bocohan, Lucena City nitong Miyerkules, Pebrero 28.

Ayon sa police report, pasado ala-1:00 ng madaling araw nang isagawa ang operasyon na nagresulta naman sa pagkakaaresto kina alyas “Jeff”, 41-anyos, residente ng Brgy. Anos, Tayabas City at alyas “Nelson”, naninirahan sa Brgy. Tumbaga, Sariaya, Quezon.

Nasamsam mula sa mga suspek ang mahigit dalawampu’t limang (25) gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱523,000, isang (1) genuine 1000-peso bill at sampung (10) piraso ng 1000-peso boodle money.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang motorsiklo na gamit ng mga suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng mga awtoridad ang mga suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *