Mahigit 100 residente mula sa magkakaibang bayan sa Catanduanes, nabiktima ng ‘crypto currency trading investment scheme’; Mahigit P10.8-M na halaga ng pera natangay sa mga ito

Catanduanes—Nasadlak sa mapait na sitwasyon ang nasa mahigit 100 residente mula sa magkakaibang bayan sa Catanduanes matapos ang mga itong mabiktima ng isang ‘crypto currency trading investment scheme’.

Batay sa ulat, tinatayang nasa 141 indibidwal o mahigit pa ang na-scam ng tinatawag na “COMPLAN” na isang investment scheme sa naturang lalawigan, kung saan karamihan sa mga nabiktima nito ay mga guro, empleyado ng gobyerno, laborers, abaca strippers, mga OFW at maging ang isang abogado na mga residente mula sa mga bayan ng Pandan,  Viga, Panganiban at Bagamanoc.

Isang radio announcer na nagngangalang Darius Panti at ang asawa nitong si Maureen Ambrosio ang umano’y mga itinuturong suspek sa krimen na pinaniniwalaang tumakas na sa probinsya sakay ng isang ferry boat patungo sa mainland Bicol.

Ayon sa mga biktima, hindi bababa sa P1,000,000 hanggang P10,000,000 ang natangay sakanila ng mag-asawa.

Samantala, naipaabot na sa National Bureau of Investigation ang nasabing kaso, at kasalukuyan nang ikinakasa ng ahensya ang imbestigasyon ukol dito.

Nitong nakaraang araw, nakaharap na ni NBI Agent Joey Ajero ang ilan sa mga complainant at ipinahahanda na nito ang ebidensya at affidavit ng mga ito, upang pormal na makapag-sampa ng reklamo sa korte.

Inaasahang dadami pa ang lalantad na mga biktima at maglalakas loob na magsasampa ng reklamo sa mga susunod na araw lalo na at ayon sa mga ito, pinaghirapan nilang pera ang tinangay ng mag-asawang suspek.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *