Mahigit 3,000 abaca farmers beneficiaries sa Catanduanes, isinailalim sa TUPAD program ng DOLE Bicol

Umabot sa mahigit 3,000 abaca farmer-beneficiaries ang isinailalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

Ayon kay DOLE regional spokesperson Johana Vi Gasga, nagbigay sila ng tseke kay Catanduanes Gov. Joseph Cua ng PHP19.7M para sa mga abaca farmers.

Ang mga benepisyaryo ay magtatrabaho ng 15 araw at tatanggap ng minimum na kitang PHP365 bawat araw.

Magsasagawa sila ng paglilinis ng mga kagubatan, underbrush at pagtatanim ng mga puno ng abaca sa kanilang mga sakahan, likod-bahay, at mga taniman.

Bago simulan ang kanilang trabaho, kinakailangang dumalo muna sa oryentasyon sa programa ng TUPAD, kabilang ang kaligtasan, kalusugan at pangunahing pamamahala ng first aid.

Gayundin, bibigyan sila ng kumpletong personal protective equipment at ipapatala sa ilalim ng Government Service Insurance System (GSIS).

Ang mga abaca-farmers ay magtatrabaho sa ilalim ng proyektong tinaguriang “Abaca Rehab” na naglalayong i-rehabilitate at mabawi ang mga plantasyon ng abaca sa buong lalawigan mula sa pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *