Mahigit dalawang daang libong pisong halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa ikinasang Search Warrant Operation sa bayan ng Jose Panganiban

CAMARINES NORTE- Nagsagawa ng search warrant operation ang mga tauhan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5 kasama ang mga tauhan ng MPDEU ng Jose Panganiban MPS

Ayon sa koordinasyon sa PDEA ROV, bandang alas 10:00 ng umaga nitong Hunyo 14, 2023 sa Purok 2, Brgy. Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte naaresto ang isang babae na nakilala bilang si alyas “NORA”, 29 taong gulang, may kinakasama at residente ng nasabing lugar.

Siya ay inaresto sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa kasong RA 9165 na ipinalabas ni Hon. Judge Evan Dizon ng RTC Branch 40, Daet, Camarines Norte at may petsang June 8, 2023.

Nakuha sa nasabing operasyon ang isang pakete ng sigarilyo na naglalaman ng limang piraso ng katamtamang laki ng selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu at limang piraso ng maliliit na selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu at isang pouch na may lamang tatlumpu’t anim na piraso ng maliliit na selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu.

Ang mga nasamsam na iligal na droga ay may tinatayang timbang na humigit kumulang 30 gramo na may street value na umaabot sa Php 204,000.00.

Samantala, ang nasabing personahe ay kasalukuyang nasa kostudiya na Jose Panganiban MPS para sa kaukulang disposisyon at paghahanda ng mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 laban sa kanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *