Higit P200k halaga ng shabu, nakumpiska sa dalawang ginang sa Batangas City

Umaabot sa mahigit P200,000 na halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa dalawang ginang sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Bolbok, Batangas City, alas-11:30 kagabi, Mayo 10, 2022.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Rosario Anasio Tolentino, alyas Tita Baby, 53 anyos, food vendor, tubong Maynila, kasalukuyang residente ng Brgy. Sto. Domingo, Bauan, Batangas at nangungupahan rin sa isang apartment sa Sitio Puyo, Brgy Sta. Clara, Batangas City, at si Sarah Angeles Maclang, 38 anyos, tubong Plaridel Bulacan at kasalukuyang residente ng Sitio Puyo, Brgy Sta. Clara, Batangas City.

Naaresto ang dalawang drug personalities matapos na kumagat sa ikinasang buy bust operation ng mga operatiba ng Office of Provincial Director – Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit-BPPO, Batangas City Police Station at PDEA Region 4-A.

Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang anim na heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may timbang na 30 gramo at nagkakahalaga ng 204,000.00 pesos.

Nakuha rin mula sa mga suspek ang buy bust money na 65 piraso ng pekeng P1,000 at isang totoong P1,000 at 800 pesos.

Narekober rin ang gamit nilang motorsiklong walang plaka at cellphone.   

Nakakulong na ang mga suspek at kakaharapin ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *