Makabayan Bloc, muling tinabla sa budget hearing ng Office of the President

Humarap si Executive Secretary Lucas Bersamin sa pagdinig ng House Appropriations Committee kung saan tumagal lang ng apat na minuto ang kanyang opening remarks at hindi pa naipi-prisinta ang proposed budget.

Agad kasing nag-mosyon si Appropriations Vice Chairperson Ching Bernos para i-terminate ang deliberasyon bilang bahagi ng parliamentary courtesy, bagay na pinalagan ng Makabayan Bloc.

Tatlong kongresista ang tumutol sa mosyon ngunit upang makapagpahayag ng manifestations, binawi ni ACT Teachers Representative France Castro ang objection kaya nakalusot sa komite ang budget ng OP.

Sa kanyang manifestation, binigyang-diin ni Castro na hindi dapat magpatuloy ang tradisyon dahil labag ito sa polisiya ng transparency at public disclosure ukol sa kaban ng bayan.

Kailangan aniyang magpaliwanag ang OP hinggil sa kumpirmasyon ni Vice President Sara Duterte na humiling ang kanyang opisina ng 125 million pesos na confidential funds.

Idinagdag pa ni Kabataan Representative Raoul Manuel na dapat suriin ang napakalaking travel expenses ng OP na nagkakahalaga ng 1.15 billion pesos at ang confidential at intelligence funds na nasa 4.56 billion pesos o 43 percent ng proposed budget sa susunod na taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *