Mambabatas, hinimok ang Maharlika Investment Corporation na mamuhunan sa NGCP

Ipinanukala ni House Speaker Martin Romualdez sa Maharlika Investment Corporation ang pamumuhunan sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP kasunod ng naranasang malawakang power outage sa Western Visayas.

Sa harap na rin ito ng pagkabahala ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas sa umano’y kawalan ng aksyon ng NGCP sa paulit-ulit na blackouts sa mga apektadong lugar.

Ayon kay Romualdez, makatutulong ang strategic investment sa pagkakaloob ng kapital para sa infrastructure upgrades at magpapababa sa singil sa kuryente para sa consumers.

Maaari aniya itong magresulta sa paglago ng ekonomiya, mas pinaigting na energy security, suporta sa renewable energy integration at pagtaas ng pananagutan sa operasyon ng NGCP.

Ipinunto ng House leader na sa kabila ng mga tinukoy na solusyon ay maituturing pa rin na palpak ang implementasyon dahil sa muling pag-iral ng power outage na pinalala pa ng hindi natapos na konstruksyon ng transmission lines para sa Cebu, Negros at Panay grid.

Bukod pa ito sa lumutang na isyu sa power infrastructure kung saan lubhang tinamaan ang mga negosyo, industriya at sa buhay ng mga residente.

Bagama’t partially restored na ang kuryente sa ilang mga lugar, mahigit kalahati pa rin umano ng mga munisipalidad ang apektado kaya kailangan na ng “decisive” na hakbang at epektibong kolaborasyon sa lahat ng ahensya kabilang ang Department of Energy at Energy Regulatory Commission.

Hinimok naman ni Romualdez ang ERC at NGCP na imbestigahan ang sanhi ng malawakang power outage dahil ang pagtukoy sa ugat ay makatutulong upang hindi na ito maulit at matiyak ang stable na suplay ng kuryente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *