Mambabatas sa Albay, hiling na ma-exempt ang Mayon relief operations sa Barangay Election spending ban

LEGAZPI CITY – Hiling ngayon ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa Commission on Elections (COMELEC) na ma-exempt sa Barangay Election spending ban ang mga government agency na tumutugon sa pagbibigay-tulong partikular ang mga apektado ngayon ng Bulkang Mayon tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Salceda, hindi pa kasi matukoy ngayon kung kailan sasabog ang bulkan kaya’t nananatili pa rin ang mga bakwit sa evacuation center hanggang sa kasalukuyan.

Dahil dito, posibleng abutin sila hanggang sa barangay election sakaling hindi pa maibababa ang alert status nito.

Sa ilalim kasi ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang paglalabas ng pondo 45 araw bago ang regular election at 30 araw kung special elections.

Kasalikuyang nakataas sa alert level 3 status ang bulkan at umaabot na sa 40,000 indibidwal ang apektado at posible pang umakyat ito hanggang mahigit 100,000 kung pumutok na ang bulkan.

Binigyang-diin ng mambabatas na nais nilang tumalima sa batas subalit mayroon din silang mandato na alagaan ang kanilang mga nasasakupan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *