MANIBELA, umaasa pa ring didinggin ang hiling na extension ng kanilang prangkisa

Umaasa pa rin ang grupong MANIBELA na hindi magiging malungkot ang kanilang pasko kasunod ng hindi na pagpapalawig ng gobyerno sa franchise consolidation application ng mga operators para sa PUV Modernization Program sa December 31, 2023.

Sa ikinasang transport strike sa Monumento sa Caloocan kaninang umaga, sinabi ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena, welcome sa kanila ang consolidation ngunit ang inihihirit nila ay mapalawig ang kanilang provisional authority at prangkisa.

Sabi niya,noong panahon ng pandemya ang nagtanggal sa kanila ng kabuhayan ay ang sakit na dulot ng Covid-19 pero ngayon, mismong ang gobyerno umano ang nagtatanggal sa kanila ng hanapbuhay na silang dapat na nagbibigay ng trabaho sa kanila.

Pinag-uusapan na rin ng grupo ang pagtungo umano sa Malacañang para maiparating ang kanilang hinaing kay Pangulong Bongbong Marcos.

Sa tanong kung matutuloy ng hanggang sa December 29 ang transport strike, hindi ito tuwirang sinagot ni Valbuena bagkus sinabi niyang patuloy nilang kakalampagin ang gobyerno upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing sa pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *