Mas mahigpit na pagbabantay sa mga dumarating na pasahero, ipinatutupad sa NAIA VS. COVID-19 Indian variant

Mas hinigpitan pa ng Bureau of Immigration (BI) ang pagbabantay nito sa mga dumarating na pasahero sa tatlong terminal sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa banta ng covid-19 Indian variant.

Ito ay upang matukoy at malaman ang mga pasaherong may travel history sa India sa nakalipas na dalawang linggo bago pa ang travel ban na sinimulang ipatupad kahapon.

Nasa 1,500 na pasahero kada araw ang pumapasok sa NAIA na sinusuri isa-isa kung may pagbiyahe sa India na dumaranas ngayon nang surge ng covid-19.

Kasabay nito, naghihintay naman ng abiso ang BI mula sa pamahalaan kung mas palalawakin at palalawigin pa ang travel restrictions, ito’y sa gitna ng mga ulat na nakapasok na rin ang B.1.617 o ang Indian variant sa iba pang mga bansa gaya ng United Kingdom, Estados Unidos at ilang mga kalapit na bansa dito sa Asya.

Samantala, sa datos ng Manila International Airport Authority Media Affairs Office, 24 ang arrivals o parating na mga byahe mula sa iba’t-ibang bansa ngayong araw.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *