Mayorya ng kaso ng 2 COVID-19 variants, naitala sa NCR, Calabarzon- DOH

Naitala sa National Capital Region (NCR) at Calabarzon ang mayorya ng COVID-19 cases na dulot ng coronavirus variants na unang na-detect sa United Kingdom, ang B.1.17 at South Africa o ang B.1.351.

Gayunman, binigyang diin ni Health undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa natutukoy ng World Health Organization (WHO) kung mayroong community transmission ng mga nasabing variants. 

Sa ngayon, nakapagtala ang Pilipinas ng 1,075 B.1.351 cases; 948 B.1.1.7 cases;  at 157 mula sa P.3 variant na unang na-detect sa Pilipinas at dalawang cases ng P.1 variant na unang na-detect sa Brazil.

Sinabi ni Vergeire na mayroong 602 B.1.351 variant cases, 358 B.1.1.7 cases, at 39 P.3 cases sa Metro Manila.

Habang ang Calabarzon naman ay mayroong 121 cases ng B.1.351 variant, 145 cases ng B.1.1.7 , at anim na P.3 cases.

Paliwanag ni Vergeire, di pa sigurado kung ang mga ito ang kalat na variants sa bansa at kung masasabing mayroon nang community transmission. 

Una nang sinabi ng DOH na sinusuri pa ng WHO ang lawak ng transmission ng bagong variants sa Pilipinas. 

Nakapagtala ang bansa ng 1,067,892 COVID-19 cases kung saan 984,210 na ang naka-rekober, at 17, 622 ang nasawi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *