Menor de edad na biktima ng trafficking, naharang ng BI

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babae na panibagong biktima ng human trafficking nang tangkaing lumusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ang biktimang itinago sa pangalang Lia, na patungo sana sa Muscat, Oman para magtrabaho bilang household service worker.

Nabatid na nang dumaan sa immigration counters ang biktima at nagpakita ng pasaporte ay napansing hindi tugma ang edad nitong 30-anyos sa itsura nito kaya isinangguni ito para sa ikalawang inspeksyon.

Sa huli, ay inamin ng biktima na ang hawak nitong pasaporte, birth certificate at iba pang dokumento ay iprinoseso ng isang ahente sa Marawi.

Sinabi nito na nananatili ito sa isang tirahan na pag-aari ng kanyang ahensya sa Parañaque City sa loob ng 6 na buwan, at lahat ng kanyang mga dokumento ay iniabot lamang sa kanya sa labas ng paliparan bago ang kanyang paglipad.

Sa Pilipinas, ang pinakamababang edad para sa deployment bilang mga household service worker ay 24 na taong gulang.

Agad na inedorso ang biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para matulungan at masampahan ng kaso ang kanyang recruiters.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *