Mga bangkay na narekober sa Libon, hindi nakabaon sa lupa – NBI Bicol

LEGAZPI CITY – Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) Bicol na hindi nila naabutang nakabaon sa lupa ang skeletal remains o kalansay ng umano’y mag-aamang narekober sa pinakamataas na bahagi ng Sitio Tagbac, Brgy. Macabugos, Libon, Albay noong Lunes.

Sa isang press conference, sinabi ni NBI Bicol Team Leader Atty. Felipe Jessie Jimenez na gayundin, hindi rin nakabitay ang mga ito kundi hinulog o tinapon lamang sa bangin.

Naabutan umano nilang magkakahiwalay ang mga bungo nito sa mga buto ng katawan.

Maliban dito, ang mga damit ng mga biktima ay naabutang nakasabit sa kawayan na nag-match sa nai-report na suot-suot nila noong huli silang nakita.

Ayon din kay Regional Director Atty. Claro De Castro, Jr., ito ang dahilan kung bakit tinawag nilang ‘retrieval’ ang operasyon.

Dagdag pa rito, tinutuka ng mga uwak ang mga bangkay at nadiskubre nilang may mga butas ang mga bungo, kaya’t isasailalim nila ito sa autopsy upang makumpirma kung binaril muna ang mga biktima bago pugutan ng ulo.

Samantala, ang mga nakuhang kalansay, isasailalim din sa DNA testing nang sa gayo’y makumpirma rin kung ito ang mga naiulat na nawawalang mag-aama sa bayan noong Disyembre 2023 na kinabibilangan ng isang 44 anyos na lalaki, kasama ang 11 at 10 anyos na adopted children na pawang mga menor de edad.

Kung babalikan, inakyat at ginalugad ng NBI, kapulisan, SOCO at iba pang grupo ang lugar at naabutan ang mga bangkay.

Inihayag din ng NBI, mayroong nakakita sa aktwal na pagpugot ng ulo ng mga biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *