Mga dumalaw sa Loyola Memorial Park sa Marikina, nalampasan na ang 10,000-mark

Patuloy na dumarami ang bilang ng mga dumagsa sa Loyola Memorial Park sa Marikina City upang gunitain ang Undas ngayong araw.

Sa tala mula sa Command Post ng Marikina City Police, umabot na sa 10,500 ang mga taong nasa loob ng sementeryo.

Noong 2022 ay pumalo sa 95,000 ang bumisita sa Loyola Memorial Park ngunit ngayong taon ay inaasahang tataas pa ito.

Nasa 200,000 ang mga nakahimlay sa naturang sementeryo.

Samantala, personal na nag-inspeksyon sa libingan si NCRPO Head of Regional Mobile Force Battalion Police Col. Jonathan Calixto.

Kasama niya ang acting chief ng District Investigative and Detective Management Division na si Police Lt. Col. Robert Domingo upang silipin ang ipinatutupad na seguridad sa lugar.

Bukod sa mga tauhan ng PNP, umaalalay din ang mga personnel mula sa Public Safety and Security ng Marikina at Bantay Bayan.

Mahigpit na ipinagbabawal ng park management ang pagdadala ng lighter, posporo at iba pang pansindi kaya kung ang tanong ay paano sisindihan ang kandila, ang tugon ay maaari namang ipakiusap sa caretaker na sila muna ang mag-asikaso bago magtungo sa sementeryo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *