2 lalaki sa Cauayan City, arestado sa iligal na transportasyon ng wooden tiles

Arestado ang dalawang kalalakihan sa iligal na transportasyon ng mga wooden tiles sa Brgy. Alinam, Cauayan City.

Kinilala ang mga suspek na sina Ramil Fainzan, 38-anyos, may asawa, tsuper at residente ng Brgy. Alibagu, City of Ilagan at Joenel Quartero, 35-anyos, binata, tricycle driver at residente ng San Felipe sa syudad ng Ilagan.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng PNP Cauayan City na bago ang pagkakaaresto sa mga suspek ay nakatanggap ang kanilang himpilan ng impormasyon na mayroon umanong isang color white aluminum van na may plakang ZCF 372 na magbibiyahe ng hindi dokumentadong wooden tiles sa Manila.

Dahil dito ay pinaigting ang pagbabantay sa checkpoint ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station sa Brgy Alinam kung saan naharang ang naturang behikulo.

Nang pinabuksan sa mga sakay nito ang pintuan ng van ay nadiskubre ang sako-sakong wooden tiles na gawa sa narra na tinatayang nasa 21,000 piraso sa iba’t ibang laki.

Bigo namang makapagprisinta ang mga suspek ng mga kaukulang dokumento na dahilan ng kanilang agarang pagkaaresto.

Nasa pangangalaga na ang Cauayan Police Station ang mga dinakip na mga pinaghihinalaan at mahaharap sa kasong paglabag sa PD 705 o Anti-Illegal Logging Law.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *