Mga kumandidato sa Camarines Norte noong BSKE na naghain ng SOCE mahigit lang sa kalahati batay sa inisyal na tala ng Comelec

CAMARINES NORTE – Mahigit lang sa kalahati ang mga kumandidato sa Camarines Norte sa nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang naghain ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Commission on Elections.

Batay sa inisyal na datos ng Comelec nasa 5, 794 o 52.06 % ng 11, 129 na mga kumandidato ang nakapag file ng SOCE.

Sa labingdalawang bayan ang Paracale sa ngayon ang may pinakamataas na porsiento ng mga kandidato na naghain ng SOCE na nasa 83. 67 %.

Pinakamababa naman sa pinakamalaking bayan ng Camarines Norte, ang Labo na nasa 18. 10 % lang ang naitalang filers.

Gayunman, magbabago pa ang mga bilang na ito sa sandaling maisapinal na ng mga Comelec Offices sa iba’t- ibang bayan ang listahan ng mga nag file ng SOCE.

Kinumpirma naman ni Election Officer III Annelyn Abanes ng Basud na ang 67. 82 % ay pinal na sa kaniyang bayang nasasakupan.

Sa 1, 100 na kumandidato nasa 746 o 67. 82 % ang nakapaghain ng SOCE sa kaniyang opisina.

Gayunman may ilang nanalong kandidato sa naturang bayan ang bigong maghain ng SOCE na karamihan ay SK Kagawad.

Noong November 29, ang itinakdang deadline sa paghahain ng SOCE ng mga kumandidato nanalo man o natalo.

Ayon sa Comelec hindi pwedeng manungkulan ang nanalong kandidato na bigong makapaghain ng SOCE.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *