Mga nabakunahan na ng second dose ng COVID- 19 vaccine dapat pa ring limitahan ang galaw

CAMARINES NORTE – Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes na dapat pa ring limitahan ang galaw ng mga nakatanggap na ng ikalawang dose ng COVID- 19 vaccine.

Sa arawang ulat sa bayan, sinabi ni DOH- Bicol Covid-19 program coordinator Dr. Rita Mae Ang-Bon na masasabi lang na fully vaccinated ang isang tao makalipas ang dalawang linggo matapos itong tumanggap ng ikalawang dose.

Hindi ibig sabihin na ikaw ay bakunado na ay pwede kana ring lumamyerda at pwede kana ring gumalaw o pumunta sa ibat ibang mga lugar.” Ani Bon

“Masasabi silang fully vaccinated sa COVID- 19 kung nakalipas na po ang 2 weeks from the last dose ninda.”

Bukod dito malayo pa umano ang Bicol Region sa target na 70 percent ng buong populasyon na mabakunahan para magkaroon ng tinatawag na “herd immunity.”

Sa ngayon ay nasa 3 percent pa lang umano ng 3. 68 million population ang nabakunahan.

Ibig sabihin, maaari pa ring magdala ng virus, mahawa o makapanghawa ang isang tao kahit mayroon na itong bakuna dahil hindi pa rin nasusugpo ang community transmission.

“Kahit na po ang isang tao na bakunado na, maaari pa rin po siyang magdala ng virus, maaari pa rin po siyang mahawa o makapanghawa dahil hindi pa po natin nasusugpo sa pamamagitan ng pagbabakuna ang  community transmission dahil na rin po sa hindi pa natin na achieve ang ating goal na herd immunity, yan po ang pinakaunang dapat na unawain.”

Sa pinakahuling datos ng kagawaran na sa 185, 921 pa lang ang nababakunahan sa rehiyon.

Sa bilang na ito nasa 125, 571 ang nakatanggap na ng first dose at 60, 350 pa lamang ang nakakumpleto ng second dose.

Sa Camarines Norte, nasa 20, 960 ang nabakunahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *