Mga nagsumite ng SOCE sa Albay, nasa 42% na – COMELEC Albay

LEGAZPI CITY – Mag-iisang buwan matapos ang eleksyon sa barangay at Sangguniang Kabataan noong Oktubre 30, nasa 42% pa lamang ang mga nagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditure (SOCE) mula sa mga tumakbong kandidato. Ito ang pinakahuling datos mula sa Commission on Elections (COMELEC) Albay.

Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay COMELEC Albay Provincial Supervisor Atty. Ma. Aurea Bo-Bunao, sinabi niya na ang nasabing porsyento ay binubuo ng 10,660 mula sa 25,610 na mga tumakbong kandidato sa buong lalawigan.

Sa Nobyembre 29 ang itinakdang huling araw ng pagsusumite ng SOCE.

Ayon kay Bunao, nakakasiguro siya na magkakaroon ng dagsaan sa pagpasa sa huling araw.

Panawagan ni Bunao, kung ang mga kumandidato ay nag-file ng certificate of candidacy, ganun din naman, kinakailangan din nilang mag-file ng SOCE.

Para sa mga nanalong nag-assume na ng office, upang hindi makwestyon ang legality at validity, obligado silang magsumite ng nasabing dokumento.

Gayundin naman sa mga hindi nanalo, sinumpaan nila ito sa kanilang pag-file ng COC. At kung ang mga ito ay hindi tumupad sa sinumpaan, maaari silang sampahan ng kaso ng COMELEC.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *