Mga pasahero sa mga pantalan, terminal, at mga paliparan – tuloy sa pagdagsa para sa Holy Week

Pasaherong darating sa PITX ngayong araw, inaasahang aabot sa mahigit 150,000

Maaga pa lang ay naabutan na ng Brigada Manila Team si Ate Marilou na naghihintay sa mga upuan ng Paranaque Intergrated Terminal Exchange (PITX).

Kwento niya, maaga siyang bumyahe ngayon dahil nasa alas otso ng umaga ang kanyang biyahe papuntang Daet, Camarines Norte.

Anya, minabuti niyang i-book mula pa noong nakaraang dalawang buwan ang kanyang ticket upang maiwasan ang volume o dami ng taong babyahe ngayon.

Ayon kase sa pamunuan ng PITX, inaasahang aabot sa mahigit 150,000 ang mga pasaherong darating dito ngayong araw.

Ngunit sa kabila nito, nilinaw ni PITX, Senior Corporate Affairs officer, Kolyn Calbasa na tatanggap pa rin sila ng walk-ins kahit mag-fully book na dahil nakapaglagay na sila ng karagdagang bus units at nagre-replenish lang din ang mga byahe.

Bulto ng mga pasahero sa Cubao Bus Terminal, nakabyahe na patungong norte

Lumarga na patungong norte ang bulto mga pasahero dito sa Baliwag Bus Terminal sa Cubao, Quezon City.

Bitbit ang kani-kanilang mga bagahe, maagang nagtungo sa terminal ang mga pasahero na uuwi Bulacan at Nueva Ecija para gunitain ang Semana Santa.

Simula alas dos kaninang madaling araw nasa mahigit apatnapung bus na ang nakabyahe.

Inaasahan naman na mas dadagsa ang pasahero mamayang hapon dahil sa half day lamang ang pasok sa opisina ngayong Miyerkules santo.

Sa ngayon ay wala pang fully booked na byahe sa nasabing terminal.

Tiniyak naman ng pamunuan, na lahat ng mga dadagsang pasahero ay maaccomodate at ligtas na makakauwi sa kani-kanilang probinsya.

Ilang biyahero sa Manila North Port, piniling maghintay nang maaga sa kanilang biyahe kaysa maipit sa traffic ngayong Holy week exodus

Sa panayam ng Brigada News Fm Manila sa ilang pasahero na may biyaheng Bacolod at Butuan mas ninais na nilang mag overnight kaysa maipit sa trapiko.

Ilan sa mga ito ay bukas pa amg biyahe at ang ilan ay sa Biyernes pa.

Bagamat mayroong re-scheduled trip na dapat ay noon pang March 25 ngunit nalipat ng March 29, walang stranded sa Pantalan.

Nito pang nakaraang araw naka heightened alert ang mga tauhan ng Philippine Ports Authority katuwang ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Paalala ng mga awtoridad sa mga papaalis nating kababayan, travel light at huwag nang magdala ng mga ipinagababwal na bagay tulad na lamang ng mga patalim.

Bilang ng mga biyahero sa Matnog Port – lumobo na; Sapat na RoRo Vessel, tiniyak ng PPA

SORSOGON CITY – Naramdaman na ang dagsa ng mga biyahero sa pantalan ng Matnog sa Sorsogon kaugnay sa pagsisimula ng Semana Santa at summer vacation.

Noong ‘Linggo ng Palaspas’ ay naitala ang aabot sa 1,000 pasahero patungong Visayas habang mahigit 3,000 naman na mga rolling cargoes ang tumawid sa nasabing pantalan.

Ayon kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, ang nasabing bilang ay mas mataas umano sa kanilang naitatala na 500 na mga pasahero at rolling cargoes bawat araw.

Inaasahan naman ng PPA na mas lolobo pa ang bilang ng biyahero ngayong darating na Huwebes Santo.

Kaugnay nito, ipinangako ng nasabing tanggapan na may sapat na R0ro vessels na magbibiyahe sa buong Semana Santa. Aniya, nakiupag-ugnayan na sila sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno upang mamonitor ang pagpasok ng mga pasahero at rolling cargoes.

Mahigpit ang pagbabanatay ng mga kinauukulan sa pantalan ngayon upang walang makalusot na iligal na droga at iba pang kontrabando, kasunod na rin ng nanagyaring buy-bust sa nasabing lugar kung saan higit P14K halaga ng shabu ang nasamsam ng mga drug enforcement units sa dalawang suspek na papuntang Mindanao sana noong Sabado, Marso23 subalit naharang sa Brgy Hidhid ng nasabing bayan.

Kaligtasan ng mga maglalayag na barko ngayong Holy Week, tiniyak ng MARINA

Tiniyak ng MARINA ang kaligtasan ng mga barkong maglalayag ngayong Semana Santa.

Ayon kay MARINA Enforcement Service Director II Engr. Ronaldo Bandalaria, bago umalis ang mga barko ay nagkakaroon muna sila ng pre-departure inspection.

Regular aniyang nag-i-isyu ang ahensya ng mga lisensya at dokumento na ginagamit sa pagbiyahe ng barko.

Maliban dito, pinagtibay din aniya nila ang compliance monitoring enforcement sa mga barkong pampasahero para masiguro ang kaligtasan at convenience ng mga mananakay.

Para naman daw maiwasan ang overloading, naglalabas na rin ang Marina ng relaxation order – kung saan maaari nang maglayaga ng barko kahit wala pa sa schedule basta’t naabot na nito ang awtorisadong pasahero ng isang barko.

DOTr, ibinida ang mataas na “on-time performance” sa NAIA ngayong Holy Week

Ibinida ng Department of Transportation ang mataas na “on-time performance” ng airline companies sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA ngayong Semana Santa.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, naitala ang 86.8 percent na on-time performance sa airline companies mula sa lahat ng terminal ng NAIA.

Ngayong araw ay nag-inspeksyon si Bautista sa NAIA Terminals 2 at 4 kung saan iniulat nito na maayos ang daloy ng mga pasahero pati na ang kanilang karanasan sa safety procedures at check-in counters.

Komportable rin aniya ang mga pasahero at maging ang temperatura ng paliparan ay nakadagdag sa magandang travel experience.

Inihayag pa ng kalihim na walang problema sa pila sa immigration counters para sa mga aalis ng bansa dahil kumpleto ang mga personnel.

Kasabay nito, tiniyak ni Bautista na hindi na mauulit ang mga nangyaring aberya sa NAIA na makakaapekto sa flights ng mga pasahero dahil na rin sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *